Radyo Agila DYFX Cebu, patuloy ang pagsasahimpapawid ng mga mensahe sa mga naapektuhan ni “Odette” sa VisMin
Isa sa mga problemang kinahaharap ngayon ng National Grid Corporation of The Philippines ( NGCP ) ay ang pagsasaayos ng kanilang transmission services o ang mga linya ng komunikasyon, logistic, transportasyon at lokasyon ng kanilang mga tower.
Ito ay bunsod na rin ng matinding epekto ng pananalasa ng bagyong Odette na puminsala sa Visayas at Mindanao partikular sa Bohol, Cebu, Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental at Surigao Provinces.
Maraming transmission structures ang naapektuhan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin kinukumpuni ng ahensiya.
Kaya naman, hanggang ngayon ay pahirapan pa rin ang komunikasyon sa nasabing mga lugar kung saan marami pang mga kababayan ang hindi pa makontak o matawagan ang kanilang mga kaanak ukol sa kanilang kalagayan sa mga apektadong lugar.
Kaya naman upang matulungan ang marami pang mga kababayan na ma-kumusta ang kanilang mga mahal sa buhay, ang Radyo Agila DYFX Cebu ng Eagle Broadcasting Corporation ay kumakalap ng mga impormasyon upang maipaabot ang mensahe sa pamamagitan ng pagsasahimpapawid sa naturang radio station.
Maaaring mag-text o mag-message sa pamamagitan ng sumusunod na format at social media platforms.