Rafael Nadal, bigo sa Australian Open
Bigo ang defending champion na si Rafael Nadal sa round two ng Australian Open laban sa 65th ranked na si Mackenzie McDonald ng America, ang pinakapangit niyang Grand Slam result sa loob ng pitong taon.
Ang 36-anyos na Spanish na nahirapan sanhi ng tila isang hip injury, ay dinaig ni McDonald sa score na 6-4, 6-4, 7-5 sa Rod Laver Arena.
Ang pagkatalo ni Nadal ay nagbukas naman ng pintuan sa kaniyang arch-rival na si Novak Djokovic, upang mapantayan ang 22 Slam win record ng Spaniard. Ang Serbian player ay nagbabalik sa Melbourne matapos na hindi makapaglaro noong isang taon nang siya ay maipa-deport.
Ang top seed na si Nadal ay humingi ng isang medical timeout sa second set matapos dumaing ng sakit. Bagama’t nagpatuloy sa paglalaro ay naapektuhan na ang kaniyang galaw ng iniindang sakit.
Sinabi naman ni McDonald, “It was pretty tough to stay mentally engaged but I found a way to just pull it out. He’s an incredible champion, he’s never going to give up regardless of the situation. I was trying to stay focused on what I was trying to do and he kind of got me out of my rhythm, and I just got through it.”
Ang huling beses na maagang natapos si Nadal sa isang Grand Slam ay sa Australian Open din noong 2016, nang mabigo siya sa unang round pa lamang.
Si Nadal at McDonald ay isang beses nang nagkaharap, sa second round din ng isang Grand Slam. Sa pagkakataong iyon, sa 2020 French Open, ay madaling naipanalo ni Nadal ang laro sa loob lamang ng four games.
Si Nadal ay gumawa ng kasaysayan sa kaparehong court noong isang taon, sa pamamagitan ng kaniyang five-set victory laban sa Russian player na si Daniil Medvedev sa final.
Ang naturang panalo ang nagbigay-daan kay Nadal upang makuha ang ika-21 niyang titulo at angkinin ang record para sa “most Grand Slam men’s singles titles,” at malamangan sina Djokovic at Roger Federer.
Sa panalo niya sa Roland Garros ay nakuha niya ang kaniyang ika-22 titulo, habang nakuha naman ni Djokovic ang kaniyang ika-21 matapos manalo sa Wimbledon.
© Agence France-Presse