Rankings ng Gilas sa FIBA umangat
Umangat ang FIBA world rankings ng senior teams ng Gilas Pilipinas.
Ang men’s team ay umakyat sa No. 38 sa men’s world rankings, mas mataas ng dalawang puwesto, dahil bago ang World Cup, ang Gilas ay nasa pang-40 puwesto.
Ang panalo ng Gilas laban sa China sa kanilang huling FIBA World Cup assignment noong Setyembre 2 ay naging sapat na para tumalon ng ilang puwesto sa world rankings, sa kabila ng nakadidismayang kampanya kung saan nakakuha lamang sila ng puwesto sa FIBA Olympic Qualifying Tournaments.
Una rito ay nakatanggap din ng katulad na magandang balita ang women’s team, matapos ibunyag ng FIBA noong Miyerkoles na ang team ay nasa No. 37 spot na sa mundo, umangat ng limang puwesto mula sa dating 42nd overall.
Ang ika-anim na puwesto ng Gilas sa FIBA Women’s Asia Cup, kung saan tinalo nila ang Chinese Taipei para makuha ang kanilang unang quarterfinal appearance at ang tiyak na pananatili sa Division A nang hindi na kailangan pang manalo sa laban para sa ikapito, ay naging sapat na para masigurado ang kanilang pag-angat.
Samantala, sa kabila ng improvement sa world rankings, bumagsak ang Gilas sa No. 8 sa Asia-Pacific region, habang ang Lebanon ay tumalon ng 16 na puwesto mula sa 44th overall patungo sa 28th, at naungusan din ang China at Jordan para sa pang-lima sa rehiyon.
Sa kabilang dako, kahit bumagsak sa ibaba ng FIBA World Cup standings, ay umangat namn ng isang puwesto ang Jordan para maging 32nd overall, habang ang China ay bumagsak ng isang puwesto at napunta sa 29th spot.