Raptors dinaig ng Lakers: Jazz wagi sa Clippers
Nakuha ng Los Angeles Lakers ang lubhang kailangan nilang panalo upang wakasan ang tatlong sunod na pagkatalo, nang daigin nila ang Toronto Raptors sa overtime, sa score na 128-123, sa Scotiabank Arena sa Toronto nitong Biyernes (Sabado, oras sa Maynila).
Sa isang see-saw game kung saan 24 na nagbago ang lead at nagkaroon ng 16 na deadlocks, gumawa si Russell Westbrook ng isang “tough” three-point shot para puwersahin ang OT na nagbigay sa Lakers ng dagdag na limang minuto para tapusin na ang 11-game losing streak sa road games.
Sa extra period, gumawa naman si Avery Bradley ng isang mabilis na personal 5-0 burst sa huling minuto, na nagbigay sa Lakers ng four-point cushion, 127-123 sa 12.6 na natitira sa laro.
Patuloy na pinangunahan ni LeBron James ang Lakers sa pamamagitan ng kaniyang 36 points, nine rebounds, seven assists, at two blocks sa 44 minutes ng laro.
Samantala, gumawa rin si Westbrook ng triple-double ng 22 points, 10 rebounds, at 10 assists.
Hindi naman nakatulong ang career-high 31 points ni Scottie Barnes para sa Raptors.
Sa iba pang laro, ang kapwa LA franchise ng Lakers na Clippers ay nabigo laban sa Utah Jazz sa score na 121-92.
Dinomina ng Jazz ang Clippers sa Vivint Arena, kung saan umabante sila ng hanggang 41 points.
Limang iba’t-ibang manlalaro ng Jazz ang natapos sa twin-digit scoring sa pangunguna ni Jared Butler na nakagawa ng 21 puntos.
Nag-ambag din ang Fil-am guard na si Jordan Clarkson ng 20 points, eight rebounds, five assists, at dalawang steals.
Si Rudy Gobert naman ay natapos na may double-double ng 19 points at 16 boards, at dalawang blocks.