Rationalization Program sa NAIA Terminals tuloy na sa Abril
Tuloy na ang 2nd Phase ng Rationalization Program ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa susunod na linggo o pagpasok ng Abril.
Sa ilalim ng Rationalization Program gagawin nang All Domestic Facility ang Terminal 2 sa NAIA kaya’t lahat ng international flights ay ililipat na sa Terminal 1 at 3 .
Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong, simula April 16 ay ililipat na sa Terminal 3 ang biyahe ng ilang airline companies gaya ng Jetstar Japan, Jetstar Asia, Scoot, China Southern Airlines at Starlux Airlines.
Ang flights naman ng Philippine Airlines (PAL) sa Terminal 2 na Manila to Singapore, Ho Chi Minh, Hanoi at Phnom Penh ay ililipat na sa Terminal 1.
Sa June 1, ang Ethiopian Airlines at Jeju Air ay ililipat na rin sa Terminal 3 kasama na ang lahat ng international flights ng PAL.
Sa ikatlong phase ng programa simula sa July 1 lahat ng Domestic Flights ng PAL ay ililipat sa Terminal 2.
Pero mananatili muna sa Terminal 3 at 4 ang lahat ng Domestic Flights ng Cebu Pacific habang pinapalawak ang capacity ng Terminal 2.
Sinabi ni Chiong na dahil sa mga pagbabagong ito inaasahang tataas pa ang bilang ng mga biyahero sa Terminal 2 sa 10 million mula sa kasalukuyang 7.5 million kada taon.
Meanne Corvera