Re-supply mission sa BRP Sierra Madre itutuloy – PCG, AFP

Tuloy pa rin ang pagsasagawa ng resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) sa tropa ng bansa sa BRP Sierra Madre.

Sa kabila ito ng nangyaring pambobomba ng tubig ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa mga barko ng PCG at chartered resupply boats sa bahagi ng Ayungin Shoal.

Gayunman, sinabi ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na hindi isasapubliko kung kailan ito gagawin dahil sa highly confidential ang nasabing impormasyon.

Matapos ang pambobomba ng tubig sa resupply boats, hindi nakatuloy ang isang bangka at ang PCG escort vessel nito, ngunit ang isang bangka ay nakalusot at matagumpay na naisakatuparan ang misyon.

Sinabi ni Tarriela na lumalabas na bago pa ang araw ng resupply ay alam na ng CCG ang plano dahil may mga naka-abang na silang barko para harangin ang sasakyang-pandagat ng Pilipinas.

Una rito, pinagkasunduan na rin sa ipinatawag na command conference nitong Lunes ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ukol sa re-supply mission.

Nababahala ang Pangulo dahil magkukulang ang pangangailangan ng mga tropa na nasa BRP Sierra Madre dahil kalahati lamang ng dapat na supply ang nakarating sa kanila.

Sinabi ni Colonel Medel Aguilar, spokesman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isasagawa ang resupply para tiyakin ang kapakanan ng marines at navy personnel na nananatili sa naval station.

Sa joint news conference ng National Task Force on West Philippine Sea (NTF-WPS), nanindigan din ang Pilipinas na hindi iiwanan ang Ayungin Shoal.

Unang iginiit ng China na makatwiran ang kanilang hakbang dahil illegal na pumasok ang mga barko ng Pilipinas sa kanilang territorial waters at walang pahintulot ng gobyerno ng Pilipinas.

Tinatawag ng China na Renai Reef ang Ayungin Shoal habang Nansha Islands naman ang Spratlys.

Madelyn Villar Moratillo

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *