Recantation ng 4 na suspects sa Degamo killing, hindi raw magpapahina sa kaso vs. Cong. Teves – Mayor Degamo
Kumpiyansa si Pamplona Mayor Janice Degamo na malakas pa rin ang kaso kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sampung iba pa.
Ito’y kahit bumawi na o nag-recant sa kanilang naunang testimonya ang apat na tumatayong suspect-witness na nagsasangkot kay suspended Congressman Arnolfo Teves, Jr., sa nasabing pagpaslang.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni Mayor Degamo na inaasahan na rin nila ang recantation ng nasabing mga suspect.
“Talagang winalk through tayo ng ating lawyer, the possibility like these could really happen in any criminal, in any krimen na katulad nito,” pahayag ni Mayor Degamo.
Gayunman, naniniwala si Mayor Degamo na hindi pa rin tuluyang pinapahina ng recantation ang kaso na nag-u-ugnay kay Cong. Teves sa krimen.
May ibang mga ebidensya pa aniya na nagtuturo sa pagkakasangkot ng mga Teves sa pagpatay sa kaniyang asawa at sa iba pang krimen na nangyari sa Negros Oriental.
“Malakas ang ebidensya pointing to the Teveses, hindi lang naman ang testimony ng mga suspect, the involvement of HDJ, yang Central na yan ang daming nagsasabi doon at napo-point doon going again to the same mastermind.” Pahayag ni Mayor Degamo.
“Kaya hindi po kami naa-ano, at saka dapat po hindi dini-discourage yung mga victims at yun mga family ng victims tulad namin pag sinasabi na may nag-recant because ayaw naming mawalan ng pag-asa, we will fight this to the end,” dagdag na paliwanag pa ng biyuda ni Gov. Degamo.
Sinabi ni Mayor Degamo na may nakikita rin silang butas sa pangalawang testimonya ni Jhudiel Rivero, ang unang suspect-witness na nag-recant sa kaniyang testimonya.
Ilang bagay ang ipinunto ng biyudang alkalde sa nakita nilang butas sa salaysay nito.
Sa kaniyang second testimony, sinabi ni Rivero na nasa presinto siya para hanapin at ipa-blotter ang nawawala niyang motorsiklo pero ang kaniyang address ay hindi sa Negros Oriental kundi sa Zamboanga del Sur.
Dagdag pa ni Mayor Degamo, may criminal records umano si Rivero dahil sa pagkakasangkot nito sa pagpaslang sa isang barangay captain sa Zamboanga del Sur.
Nasa affidavit din umano nito na isinangkot si Rivero na miyembro ng isang criminal syndicate.
“Nakikita rin namin talaga na inspite dun sa kaniyang pagbawi, mayroong mga bagay-bagay duon, mga loopholes ng kaniyang second affidavit na maku-question din kung gaano ito katotoo,” binigyang-diin pa ni Mayor Degamo.
“Kaya yung mga pagbawi, totoo that’s maybe a downside but kung titingnan at babasahin, kung titingnan yung history din nila na hindi naman pu-pwedeng mabura, I think hindi pa rin eh, hindi pa rin sila nakakalamang,” paliwanag pa ng alkalde.
Bukod sa apat, may ilan pang suspect ang nasa kostodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
At ilan daw sa mga ito, lumapit sa mga pamilya ng mga biktima sa isang hearing sa Department of Justice, at tiniyak na mabibigyan ng hustisya ang kanilang mga kaanak.
“At the onset naman talaga hindi lahat yan cooperative eh, but there are people there who still promised the victims during the preliminary investigations, nandun lahat yung mga pamilya ng biktima, there were some of them na talagang lumapit dun sa mga namatayan at sinasabi nila na you will still get the justice for your loved ones,” pagdidiin pa ni Mayor Degamo.
Weng dela Fuente