Recruiters ng 6 na Pinoy na biktima ng human trafficking sa Myanmar, kinasuhan sa DOJ
Sinampahan ng reklamong human trafficking sa Department of Justice (DOJ) ang apat na indibiduwal na sinasabing nag-recruit sa anim na Pilipino para magtrabaho sa cryptocurrency scam sa Myanmar.
Ang reklamo ay inihain ng anim na Pinoy na biktima.
Ayon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), kabilang sa mga kinasuhan ay tatlong Pinoy at isang Chinese na recruiters at employer ng mga biktima.
Hindi naman pinangalanan ng IACAT ang mga respondent.
Ayon sa mga biktima, ni-recruit sila ng mga respondent bilang online customer service representatives sa Thailand.
Pero sila ay dinala umano sa Myanmar upang hikayatin ang mga dayuhan na mag-invest sa cryptocurrency.
Batay pa sa mga complainant, hiningan sila ng Chinese employer ng US$7,000 bawat isa dahil umano sa paglabag sa kontrata kung gusto nilang makauwi na sa Pilipinas.
Kinulong din umano ang mga biktima sa magkakahiwalay na kuwarto, kinumpiska ang mga pasaporte at cellphone, tinali, hindi pinakain, at pisikal na sinaktan.
Moira Encina