Red tide alert nakataas pa rin sa pitong baybayin sa Eastern Visayas
Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) regional office, na apektado pa rin ng red tide toxins ang Eastern Visayas (Region 8).
Sinabi ni BFAR Region 8 Director Juan Albaladejo, na ang malalakas na mga pag-ulan ngayong buwan ang nag-trigger para mapadpad sa karagatan mula sa kabundukan ang mga pollutant.
Ayon kay Albaladejo . . . “The series of massive rains caused runoff of soil sediments rich in organic load that fertilized the cyst of red tide and triggered the sudden appearance of red tide events.”
Batay sa laboratory examination results ng shellfish meat samples, ang nakalalasong organismo ay natagpuan sa San Pedro Bay sa Basey, Samar; Cancabato Bay sa Tacloban City; at sa coastal waters ng Biliran Island.
Para sa nakalipas na ilang linggo, ang nakalalasong organismo ay nadiskubre sa Carigara Bay sa Capoocan, Carigara, Barugo, San Miguel, at Babatngon sa Leyte; coastal waters ng Guiuan, Eastern Samar; Matarinao Bay sa General MacArthur, Hernani, Quinapondan, at Salcedo sa Eastern Samar; at coastal waters ng Leyte town.
Pinaigting pa ng fisheries bureau ang kanilang monitoring sa mga nabanggit na coastal waters at ni-reactivate ang kanilang information drive system para alertuhin ang publiko at maipabatid ito sa apektadong local government units (LGUs).
Hiniling din ni Albaladejo sa LGUs sa naturang mga baybayin na dagdagan ang kanilang pagbabantay laban sa pagkuha, pagbebenta at pagkain ng shellfish upang maiwasan ang paralytic shellfish poisoning (PSP).
Ang PSP ay nangyayari kapag kumain ng shellfish gaya ng tahong, talaba at tulya na nagtataglay ng red tide toxins.
Kabilang sa sintomas nito ay ang pamamanhid ng labi at dila, na nagsisimula ilang minuto matapos kumain ng toxic shellfish o maaaring abutin ng isa o dalawang oras bago ma-develop.
Maaari iyong mauwi sa pamamanhid ng mga daliri sa kamay at paa at kawalan ng kontrol sa mga braso at binti, na susundan ng hirap sa paghinga.