Refund sa mabagal na internet connections, itinulak sa Senado
Isinusulong sa Senado na obligahin ang mga telecommunications companies (telcos) na i-refund ang bayad ng mga customers na nakararanas ng service interruptions.
Sa Senate Bill no, 20784 o Refund for Internet and Telecommunciations Service Outages and Disruptions, ipinanukala ni Senador Jinggoy Estrada na dapat isoli ng mga telcos ang bayad sa customers kung nabalam ang serbisyo na aabot ng 24 oras sa isang buwan.
“Ang pinoproteksyunan natin dito yung mahihirap na ginagamit din sa kanilang trabaho yung kanilang internet, malaking bagay pag nababawasan ng load,” ayon kay Senador Estrada.
Giit pa ng mambabatas, hindi dapat bayaran ng customer ang serbisyong hindi naman napakinabangan.
“Kaya nalulugi consumers at tatamaan mahihirap, lalo na prepaid users, sa masa prepaid ang karamihan… agrabyado sila,” diin pa ni Estrada
Sa panukala, ina-atasan ang mga telecommunication entities na bumuo ng mekanismo para sa automatic refund o kaltas sa singil sa mga postpaid o prepaid subscribers tuwing natitigil ang kanilang serbisyo
Pinaa-amyendahan sa panukala ang section 20 ng Republic Act 7925 o ang Public Telecommunications Policy at isama ang probisyon na magtatakda ng refund sa customers na nakakaranas ng service disruption.
Sa panukala hindi dapat magtakda ng anumang requirements sa customers sakaling mag-demand ito ng refund
Sakaling maging batas, ang lalabag ay maaring pagmultahin ng hanggang P2-milyon.
“Gusto nating matumbasan ng kaukulang serbisyo ang binabayaran natin sa telco dahil kung di nila naipapatupad ang pinapangako nila, hindi nila tayo dapat singilin. Sa industriya ng telco the reliability of service is utmost important. Masiguro na magkakaroon ng connections na regular, reliable uninterruped, mabilis,” paliwanag pa ng Senador.
Wala pang pahayag ang mga telcos ukol sa panukala.
Meanne Corvera