Reklamong murder laban sa self-confessed gunman ni Percy Lapid, isasailalim sa preliminary investigation ng DOJ sa October 24
Itinakda ng Department of Justice (DOJ) sa Oktubre 24, Lunes ang preliminary investigation sa reklamong murder laban kay Joel Escorial na umaming bumaril at nakapatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
Ayon sa DOJ, sa isinagawang inquest proceedings kay Escorial ay hiniling nito na magsagawa ng preliminary investigation sa murder complaint na inihain ng kapatid ng biktima na si Roy Mabasa.
Ito ay sa kabila ng extrajudicial confession na ni-reaffirm ni Escorial kung saan inamin nito na siya ang pumatay sa mamamahayag noong Oktubre 3 sa Las Piñas City.
Inihayag ng self-confessed gunman na binaril niya ng tatlong beses si Lapid gamit ang .45 caliber pistol.
Tinukoy din ng respondent sa kanyang salaysay ang pangalan ng mga kasamahan niya sa pagplano at pagsagawa ng krimen na sina Israel Adao Dimaculangan, Edmon Adao Dimaculangan, at isang alyas Orly o Orlando.
Sinabi pa ni Escorial sa kaniyang affidavit na ang krimen ay iniutos ng isang Crisanto Palana Villamor alyas Idoy na nangako na babayaran sila ng P550,000.
Dagdag pa ng suspek, sumama sa kanya sina alyas Orly o Orlando at ang magkapatid na Dimaculangan dahil ang isang Christopher Bacoto alyas Jerry Sandoval ay kinausap ang mga ito na tulungan siya na patayin si Lapid.
Si Crisanto Villamor ang tinukoy ni Justice Secretary Crispin Remulla na inmate sa Bilibid na nagsilbing middleman sa Percy Lapid murder case pero namatay na ito noong October 18.
Hindi kasama sina Villamor at Bacoto sa kinasuhan sa DOJ.
Inatasan naman ng DOJ ang Las Piñas City Police at ang PNP-CIDG na magsagawa pa ng dagdag na imbestigasyon sa mga personalidad na pinangalanan ni Escorial sa affidavit nito at alamin ang kinaroroonan at partisipasyon sa krimen at kasuhan ang mga ito.
Moira Encina