Relasyon ng Pinas at China hindi masisira dahil sa bagong PH-US Defense Guidelines
Walang nakikita ang mga eksperto na negatibong epekto sa relasyon ng PIlipinas sa China nang binuong bagong U.S.-Philippine Defense Guidelines.
Bagamat plus factor umano sa Estados Unidos ang nasabing Guidelines para maisulong ang interes sa Indo-Pacific Region, sinabi ni Professor Roland Simbulan, Propesor at Geopolitics expert mula sa University of the Philippines (UP) na hindi nito masisira ang relasyon sa pagitan ng Maynila at Beijing, lalo na sa larangan ng trade relations.
Sinabi ni Simbulan na nananatili ang interes ng China sa Pilipinas bilang trading partner, sa kabila ng tensyon sa usapin ng teritoryo sa South China Sea.
Paliwanag ni Simbulan na hindi military advancement ang sentro ng policy ng China kundi economic advancement sa pamamagitan ng Overseas Development Assistance (ODA) sa mga mahihirap na bansa partikular sa kontinente ng Africa at iba pang lugar sa Asian region kasama ang Pilipinas.
Ayon kay Simbulan hindi na kaya ng Amerika na tapatan ang China kung ang pag-uusapan ay export ng anumang uri ng produktong pangkabuhayan at serbisyo dahil ang inaatupag ng U.S. ay produksiyon ng mga military hardware na magdudulot ng giyera.
Naniniwala si Simbulan na maaaring magtampo ang China sa nilalaman ng bagong U.S.-PHL Defense Guidelines dahil magkakaroon na nang karapatan ang Amerika na panghimasukan ang anumang sigalot na kinasasangkutan ng Pilipinas sa South China Sea.
Pero hindi rin aniya magiging positibo ang bunga sa buhay at kabuhayan ng US, China at maging ng PIlipinas kung tuluyang mauuwi sa digmaan ang umiinit na tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.
Vic Somintac