Relief operations ng Philippine Coast Guard sa Cagayan Valley at Bicol region, tuloy pa rin
Patuloy pa rin ang relief operations ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga kababayan nating naapektuhan ng malawakang mga pagbaha sa Cagayan Valley at maging mga sinalanta ng Bagyong Rolly sa Bicol Region.
Ayon sa PCG, ngayong araw ay biyaheng Aparri, Cagayan ang kanilang dalawang helicopter para magdala ng saku-sakong food packs.
Habang ang relief transport mission ng mga barko ng PCG kabilang ang BRP Gabriela Silang ay tuloy pa rin.
Ayon sa PCG, layon nitong masiguro na makararating sa Bicol region ang lahat ng donasyong kanilang natanggap mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon.
Inanunsyo rin ng PCG na patuloy pa rin silang tumatanggap ng mga donasyon para sa ating mga kababayang naapektuhan ng Bagyong Rolly at Ulysses at ng malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela.
Ayon sa PCG, pinaka-kailangan ng mga kababayan natin sa mga sinalantang lugar ay mga pagkain at bigas; malinis na inuming tubig at flashlight at baterya.
Bilang pag-iingat naman laban sa Covid-19, sinabi ng PCG na hindi sila tatanggap ng mga donasyong used clothes o mga damit.
Para sa drop-off donations, maaaring makipag-ugnayan sa PCG Public Affairs sa mga numerong 0927-560-7729 o 0930-377-5581.
Puwede rin namang magtungo sa PCG National Headquarters sa Pier 15, Port Area sa Maynila para personal na ihatid ang mga donasyon.
Tiniyak naman ng PCG na gagawin nila ang lahat para mabilis na maihatid ang mga donasyon para sa ating mga kababayan.
Madz Moratillo