Relo ni Arnold Schwarzenegger naibenta sa halagang $290,000
Naibenta sa halagang 270,000 euros ($290,000) ang Swiss watch, na naging dahilan upang pigilin ng German customs officials ang Hollywood actor na si Arnold Schwarzenegger.
Matatandaan na ang action hero na naging environmental campaigner, ay pinigil sa Munich airport noong Miyerkoles dahil sa kabiguang ideklara ang naturang Audemars Piguet watch, na ipina-auction para sa kaniyang climate charity.
Sa charity dinner noong Huwebes kung saan ini-auction ang nasabing relo, ay tinawag ni Schwarzenegger ang pang yayari na isang “wild experience,” at nagbiro pa tungkol sa isang babaeng pulis na aniya ay poposasan na sana siya.
Ayon sa German media, si Schwarzenegger ay tatlong oras na pinigil bago pinayagang dalhin ang relo sa dinner.
Ang fundraiser para sa kaniyang Schwarzenegger Climate Initiative, ay isinagawa sa Austria sa Alpine resort ng Kitzbuehel, kung saan sinasabing kabilang sa mga guest ay ang US climate envoy na si John Kerry.
Pahayag ng charity, “The world’s most famous watch was auctioned off for 270,000 euros. Arnold Schwarzenegger’s customs adventure had a happy ending.”
Sinabi ng German customs spokesman na si Thomas Meister, “Duty should have been paid on the watch because Schwarzenegger was intending to sell it in the European Union.”
Ayon naman sa German daily na Bild, “The star had to pay several thousand euros in taxes.”
Dagdag pa nito, ang relo ay sadyang ginawa para sa aktor.
Ang naturang auction ay nakalikom ng 1.31 million euros, ayon sa charity, kung saan kabilang sa mga inialok ay mga likhang sining at isang personal training session kay Schwarzenegger.