Rep. Arroyo demoted sa pagiging Deputy Speaker
Sa ikalawang pagkakataon muling nababa sa puwesto sa mababang kapulungan ng Kongreso si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo.
Ito’y matapos magdesisyon ang Liderato ng Kamara na alisin sa pagiging deputy speaker si Arroyo kasama si Deputy Speaker at Davao City 3rd District Congressman Isidro Ungab dahil sa hindi pagsuporta kay Speaker Martin Romualdez sa isyu ng pagtatanggol sa reputasyon at integridad ng Kamara.
Sa isang statement na inilabas ng Liderato ng Kamara sa pamamagitan ni House Majority Leader Manuel Jose Manix Dalipe sa siyam na Deputy Speaker tanging sina Arroyo at Ungab ang hindi lumagda sa House Resolution 1414 na naglalayong suportahan ang Liderato ni Speaker Romualdez at ipagtanggol ang integridad at reputasyon ng Kamara na pinagtibay sa plenaryo matapos mag-convened bilang Committee of the Whole.
Si Arroyo ay unang nababa sa puwesto sa Kamara noong May 17 ng kasalukuyang taon matapos tanggalin bilang Senior Deputy Speaker ang pangalawang pinakamataas na posisyon sa Kamara maliban sa Speaker dahil sa hayagang pagsuporta kay Vice President Sara Duterte na noo’y mayroong hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila ni Speaker Romuladez.
Si Arroyo ay pinalitan ni Isabela Congressman Antonio Tonypet Albano bilang Deputy Speaker.
Sa isang maikling statement na inilabas ni Arroyo ay sinabi nitong nasa ibang bansa siya kaya hindi nakalagda sa House Resolution 1414 at sa kabila ng pagkakatanggal sa kanya bilang Deputy Speaker ay nagpahayag pa rin siya ng pagsuporta sa Liderato ni Speaker Romualdez.
Sa panig naman ni Ungab ay maluwag niyang tinanggap ang desisyon ng Liderato ng Kamara na alisin siya bilang Deputy Speaker dahil nauunawaan niya ang Dynamics ng Interpersonal Relationship sa kaniyang kapwa Kongresista.
Batay sa record nag-ugat ang muling pagkakaroon ng balasahan sa Liderato ng Kamara nang magsagawa ng pahayag ng pagbabanta sa isa sa miyembro ng minorya sa Kamara si dating Pangulong Rodrigo Duterte at tinawag na bulok na Sangay ng Gobyerno ang Kongreso dahil sa akusasiyon ng korapsiyon matapos alisin ng Kamara ang Confidential at Intelligence Fund na hinihingi ng Office of the Vice President na nakapaloob sa 2024 National Budget.
Vic Somintac