Rescue mission matapos ang lindol sa China tuloy sa kabila ng napakalamig na temperatura
Tuloy ang rescuers sa paghuhukay sa kabila ng napakalamig na temperatura, matapos ang itinuturing na pinakamapaminsalang lindol sa China na ang bilang ng nasawi ay umakyat na sa 131.
Sinabi ng state broadcaster na CCTV, na hindi bababa sa 113 katao ang namatay sa northwestern Gansu province at 18 iba pa sa katabi nitong Qinghai, kasunod ng mababaw na pagyanig noong Lunes ng gabi na puminsala sa libu-libong mga gusali.
Ang naturang lindol ang itinuturing na “deadliest” ng China simula noong 2014, kung kailan mahigit 600 katao ang nasawi sa southwestern Yunnan province.
Ang western hinterland ng China ay may mga bakas ng malimit na seismic activity. Isang malaking lindol sa Sichuan province noong 2008 ay nag-iwan ng mahigit sa 87,000 kataong nasawi o nawawala, kabilang ang 5,335 mga estudyante.
Ayon sa CCTV, “The treatment and rescue of the injured as well as emergency infrastructure repair are ongoing.”
Sinabi ng US Geological Survey (USGS), na ang lindol noong Lunes ng gabi na may magnitude na 5.9 ay mababaw at nangyari bandang alas-11:59 ng gabi, local time na ang sentro ay humigit-kumulang 100 kilometro (60 milya) mula sa Lanzhou, ang provincial capital ng Gansu.
Dose-dosenang maliliit na aftershocks ang sumunod sa naunang pagyanig.
Lumalawak ang pangamba na ang mga nakaligtas na naghihintay na masagip ay mamatay sa matinding lamig, dahil ang temperatura sa Jishishan county sa Gansu ay inaasahang bababa pa sa negative 17 degrees Celcius (1.4 Fahrenheit).
Samantala, libu-libong pamatay sunog at rescue personnel ang ipinadala na sa disaster zone, at ayon sa state media nakapagpadala na rin ng 2,500 tents, 20,000 coats at 5,000 rollaway beds sa Gansu.