Residency requirements sa UAE, niluwagan
Inanunsiyo ng United Arab Emirates (UAE), ang isang bagong visa na magpapahintulot sa mga dayuhan na magtrabaho sa bansa kahit walang sponsor na employer, at luluwagan ang residency requirements sa pagtatangkang mapasigla ang paglago ng ekonomiya.
Sa pangkalahatan, ang mga dayuhan sa bansang mayaman sa langis ay binibigyan lamang ng limitadong visa para sa kanilang employment, at mahirap makakuha ng long-term residency.
Ngunit ang mga may hawak ng bagong “green visa” ay makapagtatrabaho na sa UAE kahit walang company sponsorship, at maaari pa nilang i-sponsor ang kanilang mga magulang at mga anak na hanggang 25 anyos.
Sinabi ni Minister of State for Foreign Trade Thani al-Zeyoudi . . . “It targets highly skilled individuals, investors, business people, entrepreneurs, as well exceptional students and post graduates.”
Noong 2019, inilunsad ng UAE ang 10-year “Golden visa” para makahikayat ng mayayamang indibidwal at highly-skilled workers, ang kauna-unahan sa kalipunan ng Gulf countries.
Mula noon ay naglunsad na rin ng kaparehong mga programa ang iba pang resource-rich Gulf countries gaya ng Saudi Arabia at Qatar.
Nobenta porsiyento ng 10 milyong populasyon sa UAE ay pawang mga dayuhan.