Residente ng Brgy. Bagong Pag-Asa, QC, binulabog ng pagsabog
Binulabog ng pagsabog ang mga residente ng Road 1, Barangay Bagong Pag-Asa, Quezon City kagabi.
Ayon sa mga residente, alas-ocho bente kagabi ng bigla silang nakarinig ng pagsabog mula sa Road 1 Alley 15.
Inihagis umano ng 2 tao na nakasakay sa motorsiklo ang isang bagay sa isang bahay na pagmamay-ari ni Mang Leandro Gabo na isang Lupong Tagapamayapa din sa nasabing lugar.
Ayon kay Mang Leandro, nakarinig sila ng kalabog sa bubong ng kanilang bahay habang nanunuod ng telebisyon at bigla na lamang bumagsak ito sa harapan ng pinto ng kanilang bahay at dito na sumabog.
Nasugatan sa pagsabog ang alaga nilang aso at ang pamangkin ng kapatid ni Mang Leandro na agad namang naitakbo sa malapit na pagamutan.
Sugatan din ang 2 dumaan at naglalakad lamang sa lugar na natiyempuhan ng pagsabog.
Halos matungkab naman ang lupa sa kanilang bakuran kung saan bumagsak ang granada at sumabog.
Makalipas ang 5 minto, mulin bumalik ang riding-in-tandem sa lugar kung saan naganap ang pagsabog ngunit dali-dali ring tumakas.
Ayon kay Quezon City police district Chief Supt. Director Guillermo Eleazar, “fragmentation grenade” umano ang inihagis ng mga suspect sa bahay ni Mang Leandro na naging dahilan ng pagsabog.
Narekober sa lugar ng pinangyarihan ang ilang piraso ng shrapnel mula sa nasabing granada.
Palaisipan pa rin sa mga otoridad kung ano ang motibo ng paghahagis ng granada sa bahay ni Mang Leandro.
Ulat ni Earlo Bringas
=== end ===