Resolusyon na humihiling na rebisahin ng Korte Suprema ang desisyon sa kaso ni CJ Sereno, pirmado na ng 14 Senador
Umabot na sa 14 na mga Senador ang lumagda sa resolusyon na nananawagan sa Supreme Court na repasuhin ang pagpabor nito sa Quo Warranto petition na nagpapawalang-bisa sa pagkakatalaga kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senator Francis Pangilinan, kabilang sa lumagda ay mga kapwa miyembro ng Minority bloc na sina sina Senators Franklin Drilon, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Antonio Trillanes IV at Leila de Lima.
Pumirma rin ang pitong kasapi ng Majority bloc na kinabibilangan nina Senate President Koko Pimentel III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senators Grace Poe, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero, Joel Villanueva at Loren legarda.
Binigyang diin sa resolusyon ang itinatakda ng article XI ng 1987 Constitution na maaring mapatalsik ang mga miyembro ng Supreme Court sa pamamagitan lamang ng Impeachment na magsisimula sa mababang kapulungan at aakyat sa Senado.
Tinukoy sa resolusyon na ang pagkatig ng Supreme Court sa Quo Warranto petition laban kay CJ Sereno ay nagtatakda ng dangerous precedent na kontra sa eksklusibong kapangyarihan ng Legislative branch para magsagawa ng Impeachment.
Iginiit sa resolusyon, na ang pagpapanatili sa maayos na independence ng tatlong sangay ng gobyerno ay nakasasalay sa pagsunod sa itinatakda ng Konstitusyon.
Ulat ni Meanne Corvera