Resolusyon ng US Senate na pumapanig kay Senador Leila de Lima, walang epekto sa kaso nito sa Pilipinas
Walang bigat at epekto ang resolusyon ng Senado sa Estados Unidos ng Amerika na humihirit na ibasura ang kasong iligal na droga laban kay Senador Leila de Lima.
Ito ang iginiit ni Justice Secretary Menardo Guevarra kaugnay sa resolusyon ng US Senate Foreign Relations Committee na palayain at ipawalang-bisa ang kaso laban kay De Lima at maging kay Rappler CEO Maria Ressa.
Sinabi ni Guevarra na hindi ikukonsidera ng mga Korte sa bansa ang nasabing resolusyon dahil hindi maaring manaig ang pakikialam ng ibang bansa sa interes ng Pilipinas.
Kapag sinunod anya ito ng gobyerno ng pilipinas ay ibig sabihin lang na hindi natin sinusunod ang sariling batas at Rule of Law.
Labag din aniya sa Rule of Law ng Pilipinas ang resolusyon ng US Senate dahil hindi ito dumaan sa ligal na proseso sa bansa.
Ayon pa kay Guevarra, dapat hintayin na lang na gumulong ang proseso sa mga Korte sa bansa hanggang sa matapos ito.
Naniniwala si Guevarra na magiging basura lamang ang resolusyon at hindi kikilanin.
Ulat ni Moira Encina