Resolusyon para sa Localized face to face classes sa mga low-risk Covid areas, isinusulong ng mga Senador
Iginiit ng mga Senador ang agarang pagsisimula ng Pilot testing ng Localized limited face to face classes sa mga low-risk areas.
Ito’y para mapigilan ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga eskwelahan dahil sa epekto ng Pandemya.
Sa Senate Resolution 668 nina Senador Sherwin Gatchalian, Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe at 3 iba pa, inirekomenda na magsagawa ng pilot testing sa mahigit 1,000 eskwelahan na mapipili ng Department of Education sa isasagawa nilang assesment.
Pero dapat maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga Health protocol at iba pang hakbang para mapigilan ang posibilidad ng pagkalat ng virus.
Naniniwala ang mga Senador na makatutulong ang Pilot testing para makalikom ng ebidensya at datos para maging gabay sa ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan.
Iginiit naman ng mga Senador na ang kanilang resolusyon ay batay sa pag-aaral ng may 200 bansa na nagsabing walang nakitang ebidensya na kumalat ang kaso ng Covid dahil sa mga eskwelahan.
Nauna nang sinabi ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na ang Pilipinas na lang ang nag-iisang bansa sa Asya na hindi nagbubukas ng mga paaralan mula nang ipatupad ang lockdown dahil sa Covid-19.
Meanne Corvera