Resulta ng imbestigasyon ng Senado sa mga kaso ng kidnapping ilalabas na
Ilalabas na ng Senado ang resulta nang ginawa nitong imbestigasyon sa mga kaso ng pagdukot lalo na sa mga Chinese National na may kaugnayan sa Pogo operations.
Sa naunang mga pahayag ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry sinabi nitong umabot sa 56 ang biktima ng kidnapping.
Ayon kay Senador Ronald bato dela Rosa na Chairman ng Senate Committee on Public Order, isa sa nakikita nilang solusyon at rekomendasyon ang sharing ng database ng immigration sa PNP.
Sa ngayon kasi imposibleng matukoy ng PNP kung sino- sino ang mga dayuhan na pumapasok sa bansa, kung saan sila pumupunta at kung sino sa mga ito ang nasasangkot sa mga krimen lalo na sa Pogo operations maliban na lang kung irereport sa mga otoridad.
Sinabi pa ni dela Rosa sakaling masangkot sa krimen ang isang dayuhan kahit hindi ito ireport madali itong matutukoy ng mga otoridad dahil sa kanilang mga highly trained na forensic group at high tech na DNA laboratory.
Sa ngayon ,hinihintay na lamang aniya ng komite ang report sa isyu ng economic gains sa pogo.
Pero kung siya raw ang tatanungin pabor siya na ipasara na lang ang pogo industry.
Meanne Corvera