Revenue Target, ibinaba ng gobyerno dahil sa epekto ng Covid Pandemic
Napilitan na ang gobyerno na ibaba ang target na Revenue collections dahil sa matinding epekto ng Covid Pandemic hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Sa pagdinig sa panukalang budget ng Department of Finance, sinabi ni Finance secretary Carlos Dominguez na mula sa kanilang inaasahang 3. 4 Trillion na Tax revenue ngayong taon, ibinaba na ito sa 2. 2 Trillion pesos.
Mula aniya kasi noong Enero hanggang Agosto, mas mababa ng 24.29 percent ang tax collections dahil maraming nawalan ng trabaho at nagsarang kumpanya.
Bumaba rin aniya ang kumpiyansa ng publiko at natakot gumastos dahil sa kasalukuyang sitwasyon kaya apektado rin ang ekonomiya.
Pero sa halip na maghigpit ng sinturon at magtipid ang gobyerno, sinabi ni Dominguez na tuloy ang ginagawang paggastos ng gobyerno para maibalik ang paglago ng ekonomiya.
Ginagamit rin aniya ng pamahalaan ang magandang credit rating para ma pondohan ang mga stimulus package o mga ibinibigay na ayuda sa mga sektor na matinding naapektuhan ng krisis at makabawi sa na walang revenue.
Samantala, inaprubahan na sa Sub-Committee ang hinihinging pondo ng DOF para sa susunod na taon .
Naniniwala ang kalihim na makakabangon rin ang ekonomiya lalo na kapag pinagtibay na ang mga panukalang batas na bawasan ang ipinapataw na Corporate Income Tax.
Kailangan rin aniyang mabalik ang kumpyansa ng publiko na magiging maayos ang kundisyon at bababa rin ang kaso ng mga tinatamaan ng virus.
18.28 billion pesos ang hinihinging budget ng DOF at mga attached agencies nito.
Sa naturang pondo, ang DOF ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi na 9.93 billion .
Gagamitin ang mayorya nito sa enforcement capabilities at digital infrastructure para sa mas maayos na Tax collection.
Meanne Corvera