Reward money sa pagkakapatay kina ISIS Emir Isnilon Hapilon at Maute leader Omar Maute isasailalim sa proseso ng joint AFP PNP rewards and valuation committee
Mayroong prosesong pagdadaanan bago makuha ang reward money na ipinatong sa ulo nina ISIS Emir at Abu Sayaff Leader Isnilon Hapilon at Maute Leader Omar Maute.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines o AFP Spokesman Major General Restituto Padilla sa Mindanao Hour sa Malakanyang
na mayroong itinalagang Joint AFP PNP Rewards and Valuation Committee na siyang magsasagawa ng verification at assessment kung positibong nakuha ang high value target tulad nina Hapilon at Omar gayundin ang taong nakapagbigay ng inpormasyon kaya nagtagumpay ang operasyon ng militar.
Ayon kay Padilla ang halaga na nakapatong sa ulo ng mga high value target ay pondong inilaan ng gobyerno kaya siguradong ito ay maibibigay sa kinauukulan.
Si Hapilon ay mayroong sampung milyong pisong patong sa ulo mula sa pamahalaang Pilipinas at limang milyong dolyar mula sa pamahalaan ng Estados Unidos samanatalang si Omar ay limang milyong piso ang patong sa kanyang ulo mula sa gobyerno.
Niliwanag naman ni Padilla na hindi kailan man pumasok sa isipan ng militar ang reward money na nakapatong sa ulo nina Hapilon at Omar.
Iginiit ni Padilla na ang pangunahing misyon ng militar sa Marawi City ay palayain ang lungsod sa kamay ng mga teroristang Maute group.
Inihayag pa ni Padilla na sa ngayon mayroon pang anim na dayuhang terrorista ang hinahanting ng militar sa loob ng Marawi City na kinabibilangan Dr. Mahmud Ahmad na isang Malaysian na sinasabing financier ng ISIS Maute group.
Ulat ni Vic Somintac