Richard Gutierrez sinampahan ng BIR sa DOJ ng patung-patong na reklamong kriminal dahil sa paggamit ng mga pekeng dokumento sa kanyang tax evasion case
Matapos sampahan ng reklamong tax evasion sa DOJ, patung-patong na kasong falsification of public documents naman ang inihain ng BIR laban sa aktor na si Richard Gutierrez.
Ayon sa BIR, ang panibagong reklamo ay bunsod ng mga pinekeng dokumento na isinumite ni Gutierrez sa DOJ para sa kanyang kontra -salaysay kaugnay sa 38.57 million pesos na tax evasion case nito.
Partikular na kinasuhan si Gutierrez ng paglabag sa Article 172 ng revised penal code dahil sa isang count ng paggamit o pagsusumite ng palsipikadong 2012 annual income tax return at anim na counts ng pamemeke ng 2012 quarterly value added tax returns.
Bukod dito, sinampahan din si Gutierrez ng dalawang counts ng pagsusumite ng perjured affidavits sa preliminary investigation sa kanyang tax evasion case na paglabag sa article 183 ng revised penal code.
Kinasuhan din si Gutierrez ng apat na counts na pagtatangkang ipalabas na naghain siya o ibang tao ng ITR at Quarterly Value Added Tax Returns noong 2012 na paglabag sa section 255 ng Tax Code.
Iginiit ng BIR na batay sa kanilang eksaminasyon sa mga isinumiteng dokumento ng aktor ay forged o pineke ang mga ito at ang rubber stamp marks sa mga ito ay hindi ang gamit ng Revenue District Office no.42 sa San Juan City.
Pinatunayan ng nasabing RDO at ng document processing division ng BIR Quezon City na ang kumpanya ng aktor na R.Gutz productions ay hindi naghain at nagbayad ng mga kaukulang buwis.
Ulat ni: Moira Encina