Rizal Provincial Govt. muling hiniling sa Malacañang na ipatigil ang lahat ng pagmimina sa lalawigan
Sumulat muli sa Malacañang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal para hilinging ipatigil na ang pagmimina sa kanilang lugar.
Ang liham ay kasunod ng matinding pagbaha sa Rizal bunsod ng bagyong Ulysses na mala-Ondoy ang taas.
Una nang sumulat ang Rizal Provincial Government kina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Environment Secretary Ramon Paje noong 2010.
Sa mga nasabing liham, hiniling ng Rizal province sa Palasyo na magisyu ng general moratorium sa land development permits at locational clearances kabilang na ang mining at quarrying permits sa Laguna Lake Region kasama ang Rizal.
Nakasaad sa panibagong sulat kay Pangulong Rodrigo Duterte na may lagda ni Governor Rebecca Ynares na walang update sa kanilang kahilingan sa kabila ng mga ginawa nilang follow-up.
Dahil dito, hiniling ng gobernador sa Palasyo at DENR na ipabatid sa kanila ang itinatakbo ng kanilang hiling na maipatigil ang lahat ng mining activities sa buong Rizal.
Ayon kay Ynares, nais pa rin nilang ipahinto ang pagmimina sa kanilang probinsya kahit na sinasabi ng DENR na hindi ito ang dahilan ng pagbaha.
Moira Encina