Roche, nag-apply para maibenta sa EU ang kanilang Covid antibody treatment
Nag-apply ang Swiss pharma giant na Roche, para maibenta ang kanilang anti-Covid-19 treatment sa European Union (EU).
Ang pag-apply sa European Medicines Agency (EMA), ay ginawa higit dalawang linggo lang ang nakalipas matapos irekomenda ng World Health Organization (WHO) ang nabanggit na treatment, na dinivelop ng Roche kasama ang US biotech firm na Regeneron.
Ayon sa Amsterdam-based watchdog ng EU, sinisimulan na ng EMA ang ebalwasyon sa aplikasyon ng Roche para sa marketing authorization ng monoclonal antibody combination na Ronapreve (casirivimab/imdevimab).
Dagdag pa nito, kung bibilisan ang proseso maaari nang magpalabas ng opinyon ang EMA sa loob ng 2 buwan.
Ang monoclonal antibodies na nagre-recognise ng isang specific molecule ng target virus o bacteria, ay synthetic copies ng natural proteins na maaaring i-reproduced at ibigay bilang treatment.
Iba ito sa bakuna, na nagi-stimulate sa katawan para gumawa ng sarili nitong immune response.
Ang synthetic antibodies ay ibinibigay sa mga taong infected na, para makabawi sa kakulangan ang kanilang immune system.
Ayon sa EMA . . . “Ronapreve is intended for the treatment of Covid-19 in adults and adolescents from 12 years of age who do not require supplemental oxygen theraphy and risked getting a severe form of the disease.”
Dagdag pa ng EMA . . . “It is also used for the prevention of Covid-19 in adults and adolescents aged 12 and older.”
Dinisenyo ng Regeneron at ibinibenta ng Roche, ang ronapreve treatment ay ibinigay kay dating US President Donald Trump, nang ito ay mahawaan ng Covid-19.
Ang aplikasyon para sa marketing authorization ang huling bahagi, kung saan magsasagawa ang human medicines committee ng EMA ng isang final scientific evaluation, bago maglabas ng rekomendasyon sa European Commission para payagan itong maipagbili sa EU.
Matatandaan na sinuportahan din ng WHO ang nasabing treatment , ngunit para lamang sa mga pasyenteng may specific health profiles.
Ang ronapreve ay inirekomenda ng WHO bilang ikatlong treatment para sa Covid-19.
Hanggang sa kasalukuyan, ang pinapayagan lamang gamitin sa Europe ay ang remdesivir, na ibinibenta ng Veklury, isang tinatawag na viral RNA polymerase inhibitor na pumipigil sa produksiyon ng viral genetic material, para hindi makapagparami ang virus sa loob ng mga selula.