Rodman planong bumisita sa Russia para sa nakakulong na WNBA player na si Griner
Plano ng dating NBA star na si Dennis Rodman na bumiyahe sa Russia, upang subukang hingin ang kalayaan ng nakakulong na WNBA player na si Brittney Griner.
Ayon sa report, sinabi ni Rodman na umaasa siyang makabibiyahe sa Russia ngayong linggo para tangkaing tulungan ang basketball superstar na si Griner, na nasentansiyahang makulong ng siyam na taon ng isang korte sa Moscow sa unang bahagi ng Agosto dahil sa isang drug charge.
Sinabi ng 61-anyos na si Rodman, “I got permission to go to Russia to help that girl. I’m trying to go this week.” Wala naman itong ibinigay na dagdag pang detalye.
Ayon naman sa isang senior official ng administrasyon ni US President Joe Biden, “It is public information that the Administration has made a significant offer to the Russians and anything other than negotiating further through the established channel is likely to complicate and hinder release efforts.”
Matatandaan na noong Pebrero ay inaresto sa isang paliparan sa Moscow ang two-time Olympic basketball gold medalist at Women’s NBA champion na si Griner, dahil sa nasumpungang cannabis oil sa kaniyang vape cartridges.
Ang 31-anyos na nasa Russia upang maglaro para sa professional Yekaterinburg team sa panahon ng kaniyang off-season mula sa Phoenix Mercury, ay kinasuhan ng pagpupuslit ng narcotics at sinentensiyahan ng siyam na taon sa isang penal colony sa unang bahagi ng Agosto.
Si Griner ay nagplead ng guilty sa kaso, subalit sinabing wala siyang intensiyong gamitin ang ipinagbabawal na cannabis oil sa Russia.
Simula nang siya ay maaresto, nagkaroon na ng mga pag-uusap sa pagitan ng Moscow at Washington tungkol sa isang potensiyal na prisoner exchange, sa kabila ng umiinit na tensiyon kaugnay ng military intervension ng Russia sa Ukraine.
© Agence France-Presse