Rolex na isinuot noong WWII ‘Great Escape,’ naipagbili ng $189,000 sa New York
Isang Rolex watch na isinuot ng isang British prisoner sa panahon ng real-life “Great Escape” mula sa Nazi Stalag Luft III prisoner-of-war (POW) camp, ang naipagbili ng $189,000 sa New York.
Ang kabuuang halaga para sa relo, na naibenta sa isang anonymous buyer, ay mas mababa sa $200,000 at $400,000 na inaasahan ng Christie’s.
Ang relo ay isinuot ni Gerald Imeson noong gabi ng March 24, 1944, nang isang grupo ng Allied soldiers ang naglakas loob na gawin ang pagtakas, na naging inspirasyon sa pelikula noong 1963 na pinagbidahan ni Steve McQueen.
Ayon sa Christie’s, inorder ni Imeson ang relo mula sa Rolex sa Switzerland, na ipinadala naman ito sa pamamagitan ng Red Cross sa prison camp malapit sa ngayon ay bayan ng Zagan sa Poland.
Sinabi pa ng auction house, na ang bakal na relo na may itim na makintab na dial at hands ay ‘naging instrumento sa pagpaplano at pagsasagawa” ng kanilang pagtakas.
Naniniwala ang Christie’s na ang relo ni Imeson ay nakatulong sa pagkalkula ng oras para sa mga bilanggo upang gawin na ang paggapang sa mga tunnel na ginamit sa kanilang pagtakas at maging sa pagkalkula sa oras ng patrulya ng mga guwardiya ng kampo.
Kuwento pa ng Christie’s, suot ni Imeson ang Oyster Chronograph habang siya ay nasa ika-172 linya sa mga naghihintay para makatakas.
Sa 200 mga bilanggo na sumama sa plano, 76 ang pansamantala lamang na nakalaya. Pero hindi kasama rito si Imeson. Lahat maliban sa tatlo ay nahuli at 50 ang binitay.
Si Imeson ay napalaya mula sa isa pang POW camp sa pagtatapos ng giyera noong 1945.
Suot ni Imeson ang relo hanggang sa siya ay pumanaw noong 2003 sa edad na 85. Una na rin iyong ini-auction sa Britanya noong 2013.
Ang relo ay naipagbili kasama ng iba pang items, gaya ng isang Royal Air Force whistle at isang membership card para sa The Goldfish Club — na nakareserba para sa mga piloto at crew na nag-crash land sa dagat at nakaligtas
© Agence France-Presse