Rolling Stones muling magsasagawa ng tour
Inanunsiyo ng Rolling Stones na muli silang magkakaroon ng tour sa buong North America, kahit pa mag-i-80s na ang legendary rockers.
Upang suportahan ang “Hackney Diamonds,” ang una nilang album makalipas ang 18 taon, na inilabas noong nakaraang buwan, ang British band ay bibisita sa 16 na siyudad, na magsisimula sa Houston sa April 28 at matatapos sa Santa Clara sa July 17.
Tampok sa bagong album ang megastar cameos mula kina Elton John, Lady Gaga at maging sa matagal na nilang karibal na si Paul McCartney.
Inilabas ang album kasunod ng pagdiriwang ni Mick Jagger ng ika-80 niyang karaawan, habang ang kaniyang wing man na si Keith Richards ay mag-o-otsenta na rin sa darating na Disyembre.
Mainit naman ang naging mga review sa bagong album mula sa English-language press, kung saan tinawag pa ito ng The Telegraph na “crisp and thrilling” habang ayon naman sa Uncut ang banda ay “lumalaban pa rin” makaraang mamatay ang kanilang drummer na si Charlie Watts noong 2021.
Ang grupo ay namalaging sikat sa buong mundo, at ayon sa publisher na BMG, ang “Hackney Diamonds” ay nanguna sa mga chart sa maraming mga bansa.