Rotational deployment sa Bajo De Masinloc
Magsasagawa na ng rotational deployment ng mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Bajo De Masinloc.
Aksyon ito ng gobyerno ng Pilipinas para matiyak na maprotektahan ang karapatan at kaligtasan ng mga mangingisdang pinoy na nagpupunta sa BDM.
Nitong Pebrero 1 hanggang 9 sa kabila ng shadowing at dangerous maneuvering ng mga barko ng China, naging matagumpay ang pagpapatrolya ng BRP Teresa Magbanua ng PCG.
Habang simula naman nitong Pebrero 14, nagsasagawa ng patrolya ang barko ng BFAR na BRP Datu Tamblot.
Kasabay ng kanilang patrolya ay nagsasagawa rin sila ng resupply mission sa mga mangingisdang pinoy roon.
Kaugnay nyan, tinawag na fake news ng National Security Council ang pahayag ng China Coast Guard na pinaalis nila ang barko ng BFAR at PCG sa Bajo de Masinloc.
Katunayan nasa 13 pinoy fishing vessels na aniya ang nahatiran ng tulong ng BFAR.
Giit ni Malaya nakakaalarma ang mga ganitong pahayag na galing pa mismo sa Coast Guard ng China.
Sa pahayag ng CCG, sinabi nitong iligal umanong pumasok sa kanilang teritoryo ang barko ng Pilipinas.
Ilang beses umano silang nagbigay babala pero hindi ito naging epektibo kaya pinaalis nila ito.
Sa isang pahayag, iginiit ng NSC na ang Bajo de Masinloc at nakapalibot na tubig rito ay sakop ng Philippine Exclusive Economic Zone.
Binigyang diin pa ng NSC na ang anumang aksyon o pag-intimidate laban sa mga mangingisdang pinoy ay pagsuway sa desisyon ng 2016 Arbitral Award na tumukoy sa mg sakop ng West Philippine Sea.
Madelyn Villar- Moratillo