Round-the-clock na trabaho, isinasagawa ng NGCP sa mga lugar na matinding hinagupit ng Bagyong Odette
Pinuri ni House Energy Committee chair, Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo ang National Grid Corporation of the Philippines at iba pang sektor ng enerhiya sa pagsisikap ng mga itong mapanumbalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na matinding hinagupit ng Bagyong Odette.
Kahapon December 27 ay naibalik na ang suplay ng kuryente sa mga lalawigan ng Northern Samar; Silangang Samar; Samar; Biliran; Leyte; Cebu; Negros Occidental; Agusan del Norte at Agusan del Sur.
Gayunman , inaasahang bago sumapit ang bagong taon ay bahagyang maibabalik na ang kuryente sa Negros Oriental; at Surigao del Sur.
Nakaiskedyul naman sa ibang araw ang full power restoration sa Bohol na una nang nakatakdang isagawa sa Disyembre 31.
Ibinunyag din ng NGCP na ang 69lV line sa Maasin-Baybay ay bahagyang naibalik at inaasahang makakamit ang full restoration sa Disyembre 31.
Samantala, inihayag din ni Arroyo ang pagpapadala at pag-deploy ng 160-man contingent ng mga engineer, linemen at support personnel, gayundin ang mga sasakyan, generator set at heavy equipment sa Cebu at Bohol .
May kabuuang 54 na tauhan ng Meralco ang tumutulong sa pagpapanumbalik ng kuryente sa Cebu; habang 31 sa 106 na tauhan ay naka-deploy na sa Bohol.
Malaking tulong din aniya ang pagkakaloob ng Meralco PowerGen Corporation at Global Business Power Corporation ng 20,000 litro ng diesel para magamit sa generator set ng PLDT at Smart.
Patuloy rin aniya na nakikipagtulungan ang Meralco sa iba pang lokal na pamahalaan at electric cooperatives upang mapabilis ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Ang mga sumusunod na linya ng kuryente na hindi pa rin magagamit ay ang:
(Visayas) Maasin-Nasaug-San Isidro; Ubay-Alicia-Garcia; Ubay-Trinidad-Carmen; Amlan-San Carlos; Mabinay-Bayawan; at (Mindanao) Placer-Madrid.
Ang mga linya ng kuryente ay inaasahang maibabalik bago o pagkatapos ng Disyembre 31.