Russian Nobel laureate, ipinagbili ang kaniyang medalya para sa mga kabataan ng Ukraine
Ipina-auction ni Dmitry Muratov, Russian editor-in-chief ng independent newspaper na Novaya Gazeta, ang kaniyang Nobel Peace Prize gold medal para sa tumataginting na $103.5 million upang tulungan ang mga kabataang na-displace ng giyera sa Ukraine.
Ang medalya na napanalunan ni Muratov noong 2021, ay nabili ng isang hindi pa nakikilalang phone bidder sa isang auction na ginanap sa New York na inorganisa ng Heritage Auctions.
Naging masigla ang bidding process, kung saan itinutulak mismo ng mga bidder ang isa’t-isa na magpataasan ng tawad, habang makikita naman si Muratov na kinukunan ng video ang bidding screen.
Nang pumasok na ang final bid, na libu-libong milyong dolyar na mas malaki kaysa sa unang offer, marami ang nabigla kasama na mismo si Muratov.
Kabilang siya sa isang grupo ng mga mamamahayag na nagtatag sa Novaya Gazeta noong 1993, matapos bumagsak ang Soviet Union.
Ngayong taon, ito na lamang ang tanging pangunahing pahayagan na bumabatikos kay Russian President Vladimir Putin at sa kaniyang mga taktika sa loob at sa labas ng bansa.
Noong Marso, higit isang buwan makaraang salakayin ng Russia ang Ukraine, sinuspinde ng Novaya Gazeta ang mga operasyon nito sa Russia, pagkatapos pagtibayin ng Moscow ang batas na nagbibigay ng mahigpit na parusang pagkakakulong laban sa sinumang bumabatikos sa madugong kampanyang militar ng Kremlin.
Noon namang Abril, si Muratov ay sinalakay sa isang tren sa pamamagitan ng paghahagis sa kaniya ng isang oil-based paint na may halong acetone, na naging sanhi ng pagkasunog ng kanyang mga mata.
Ang medalya ni Muratov ay ginawang available sa bidder kapwa sa personal at online, at lahat ng nalikom ay mapupunta sa Humanitarian Response for Ukrainian Children Displaced by War ng UNICEF.
Nang tanungin kung bakit ang UNICEF ang napili niyang pagbigyan ng pondo, sinabi ni Muratov . . . “It’s critical to us that, that organization does not belong to any government. It can work above government. There are no borders for it.”
Simula noong 2000, anim sa mga mamamahayag ng Novaya Gazeta at collaborators nito ang napatay kaugnay ng kanilang trabaho, kabilang na ang investigative reporter na si Anna Politkovskaya.
Ang Nobel prize ni Muratov ay alay niya sa kanila.
Nitong Lunes ay pinuri niya ang pamamalagi ng mga mamamahayag bilang mahalagang tagasuri sa mga gobyerno, at isang paraan upang maiwasan ang digmaan.
Aniya . . . “So no matter how many times each one of us wants to turn in our notice and quit, we must stay in our jobs. Winning the Nobel ‘gives you an opportunity to be heard.’ The most important message today is for people to understand that there’s a war going on and we need to help people who are suffering the most.”
© Agence France-Presse