Russian strikes, ikinasawi ng 26 kabilang ang limang bata
Inatake ng Russia ang mga siyudad sa Ukraine nitong Biyernes, na ikinasawi ng 26 katao kabilang ang limang bata, habang halos kumpleto na ang paghahanda para sa kontra-opensiba laban sa mga puwersa ng Moscow ayon sa Kyiv.
Kabilang dito ang pag-atake sa isang residential block sa makasaysayang lungsod ng Uman sa central Ukraine.
Ang pagpapakawala sa halos dalawang dosenang missiles ang tumapos sa isang linggong pagtigil ng mga atake, kasunod ng paulit-ulit na pag-atake ng Russia na ang layunin ay iparalisa ang energy grid ng Ukraine pagdating ng mga buwan ng taglamig.
Kagabi, ay hinila ng mga manggagawa sa Uman, ang lugar ng isang taunang Hasidic pilgrimage, ang katawan ng isa pang bata mula sa ilalim ng guho. Sinabi ng mga awtoridad, na ang Russian cruise missiles ay pumatay ng 23 katao, kabilang ang apat na bata sa Uman.
Ang mga rescuer ay gumamit ng cranes upang hanapin ang survivors sa mga labi ng multi-storey housing block sa lungsod na may 80,000 naninirahan.
Tinamaan din ng Russian missiles ang central city ng Dnipro, na nababalot na ng lungkot makaraan ang nangyaring pag-atake noong Enero sa isang tower block na ikinasawi ng higit sa 40 katao.
Sinabi ng mga awtoridad na ang strike sa Dnipro ay ikinamatay ng isang 31-anyos na babae at dalawang taong gulang niyang anak na babae habang sila ay natutulog. Ang mga magulang niya ay na-ospital din.
Bukod dito, sinabi ng mga awtoridad sa southern region ng Kherson na kagabi ay pinaulanan ng bala ng Russian forces ang Bilozerka village, kung saan isang 57-anyos na babae ang namatay at tatlong iba pa ang nasugatan.
Kinondena naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang bagong pag-atake at nangakong tutugunan nila ito.
Aniya, “Only absolute evil can unleash such terror against Ukraine.”
Nakasaad naman sa tweet ng kaniyang advisor na si Mykhaylo Podolyak, “If you don’t want this spread around the world, then give us weapons. Lots of weapons. And add sanctions.”
Sinabi ng Moscow na tinarget nito ang mga reserbang yunit ng militar ng Ukraine at “lahat ng assigned objects ay tinamaan.”
Sinabi naman ng mga opisyal na itinalaga ng Moscow sa eastern Ukraine, na ang pag-atake ng Ukrainians ay pumatay ng siyam katao, kabilang ang isang walong taong gulang na batang babae sa siyudad ng Donetsk.
Wala namang napaulat na casualties sa Kyiv, na kabilang sa mga siyudad na tinarget nitong Biyernes.
Ang kapitolyo ay higit 50 araw nang hindi tinatamaan ng missiles, bagama’t noong isang linggo ay inatake ito ng 12 Iranian-made drones, na ang walo ay napabagsak nang walang idinulot na casualties.
Ayon sa Ukraine, sa kabuuan ay 21 mula sa 23 Russian missiles at dalawang attack drones ang kanilang napabagsak.
Sinabi ni Ukrainian Defence Minister Oleksiy Reznikov, na ang mga bagong pag-atake ay nangyari nang halos kumpleto na ang paghahanda ng bansa upang itulak pabalik ang “entrenched Russian positions.”
Ayon kay NATO chief Jens Stoltenberg, nagkaloob ang NATO allies at partners nito sa Ukraine ng 1,550 armoured vehicles at 230 tanks upang bumuo ng units at tulungan itong mabawi ang teritoryo mula sa Russian forces.
Karamihan ng mga labanan ay nakatuon sa eastern Donbas region, partikular sa lungsod ng Bakhmut, na halos lubusan nang nawasak.
Ayon sa ilang Ukrainian soldiers, ang matitinding labanan sa Bakhmut ay kinasasangkutan hindi lamang ng mga miyembro ng mercenary group na Wagner kundi maging ng Russian special forces.
© Agence France-Presse