Sa unang pagkakataon ngayong taon, malaking oil price rollback nakatakdang ipatupad ngayong linggo
Sa unang pagkakataon ngayong linggo, asahan na ang malaking oil price rollback makaraan ang 11 sunod-sunod na price hikes, kung saan ang presyo ng diesel ay inaasahang mababawasan ng humigit-kumulang P11 kada litro, at ang gasolina ay humigit-kumulang P5 bawat litro.
Ang big time price rollback ay bunsod ng pandaigdigang paggalaw sa presyo ng langis sa nakalipas na linggo, nang ang Brent oil ay umabot sa wala pang $100 kada bariles sa unang pagkakataon sa halos tatlong linggo simula noong nakaraang Martes, na ang malaking dahilan ay ang mga pangamba tungkol sa China, isang major oil consumer, na inilagay sa ilalim ng Covid lockdown ang halos 30 milyong katao.
Ngunit ang pagbaba ng mga presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay panandalian, dahil umabot pa rin ito ng lampas $100 kada bariles sa pagtatapos ng linggo, habang ang ilan sa mga ipinatupad na Covid lockdown ng China ay lumuwag matapos bigyang-diin ni Chinese President Xi Jinping ang pangangailangan na “bawasan ang epekto” ng Covid pandemic sa ekonomiya ng bansa.
Sa forecast ng presyo ng langis, sinabi ng Unioil na inaasahan nitong bababa ang halaga ng kanilang mga produktong petrolyo ng P10.70 hanggang P10.90 kada litro sa diesel, at P5.10 hanggang P5.30 kada litro sa gasolina ngayong linggo.
Gayunman, sa pagtaya ng industriya ng langis, maaaring magkaroon ng mas malaking rollback sa presyo mula P11 hanggang P11.70 kada litro para sa diesel, P6 hanggang P6.20 kada litro para sa gasolina, at P8.70 hanggang P8.80 kada litro para sa kerosene.
Subali’t ang patuloy na hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, ay patuloy na nakaaapekto sa merkado ng langis sa mundo.
Ang International Monetary Fund (IMF), World Bank at iba pang top lenders sa mundo ay nagbabala tungkol sa “malawak” na pagbagsak ng ekonomiya bunga ng digmaan sa Ukraine, at nagpahayag ng “malaking takot” sa “mapangwasak na human catastrophe.”
Sa kanilang joint statement, kasama ang European Bank for Reconstruction and Development, nakasaad . . . “The entire global economy will feel the effects of the crisis through slower growth, trade disruptions and steeper inflation.”
Sa kanilang babala na maaaring harapin ng mundo ang “pinakamalaking oil supply shock ng mga dekada,” nanawagan ang International Energy Agency (IEA) sa mga pamahalaan na agarang magpatupad ng mga hakbang upang bawasan ang pandaigdigang pagkonsumo ng krudo sa loob ng ilang buwan.
Hinimok din ng IEA ang OPEC+, ang grupo ng oil producers na pinangungunahan ng Russia at Saudi Arabia, na kumilos upang gumaan ang bigat sa mga merkado sa susunod nilang pagpupulong.