Sa unang pagkakataon sa loob ng higit 60 taon, populasyon sa China, lumiit
Sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit sa anim na dekada, ay lumiit ang populasyon ng China noong isang taon batay sa opisyal na data, habang ang pinakamataong bansa sa buong mundo ay nahaharap sa napipintong “demographic crisis.”
Bumagsak sa pinakamababa ang birth rates ng bansang may 1.4 na bilyong populasyon habang tumatanda ang mga manggagawa nito, sa isang mabilis na pagbaba na ayon sa babala ng mga analyst ay maaaring humadlang sa paglago ng ekonomiya.
Sa ulat ng National Bureau of Statistics (NBS) ng Beijing, ang populasyon ay nasa humigit-kumulang 1,411,750,000 sa pagtatapos ng 2022, mababa ng 850,000 mula sa pagtatapos ng 2021.
Sinabi ng NBS, na ang bilang ng mga isinilang ay 9.56 million, habang ang bilang ng mga namatay ay 10.41 million.
Ang huling pagkakataon na bumaba ang populasyon ng China ay noong 1960, nang dumanas ang bansa ng pinakagrabeng taggutom sa moderno nilang kasaysayan, na dulot ng mapaminsalang agricultural policy ni Mao Zedong na kilala sa tawag na Great Leap Forward.
Noong 2016 ay tinapos na ng China ang mahigpit na pagpapatupad sa kanilang “one-child policy” na nagkabisa noong dekada 80 dahil sa pangamba ng “overpopulation,” at sinimulan nang payagan ang mga mag-asawa na magkaroon ng tatlong anak noong 2021.
Subalit hindi ito nagtagumpay na mapigilan ang pagbagal ng paglago ng populasyon sa bansa.
Itinuturo ng marami ang “high cost of living” pati na rin ang dumaraming bilang ng mga babae sa workforce, na siyang nasa likod ng pagbagal.
Sinabi ni Xiujian Peng, isang researcher sa University of Victoria ng Australia, “Chinese people are also ‘getting used to the small family because of the decades-long one-child policy. The Chinese government has to find effective policies to encourage birth, otherwise, fertility will slip even lower.”
Marami nang local authorities na naglunsad ng mga hakbang para hikayatin ang mga mag-asawa na mag-anak pa.
Halimbawa, ang southern megacity ng Shenzhen, ay nag-aalok ng birth bonus at allowances hanggang sa ang bata ay tumuntong sa tatlong taong gulang.
Ang mag-asawa na magkakaroon naman ng “unang” anak ay awtomatikong tatanggap ng 3,000 yuan ($444), na halagang tataas sa 10,000 yuan para sa ikatlong anak.
Sa bahaging silangan naman ng bansa, ang siyudad ng Jinan simula pa noong Enero 1 ay nagbabayad na ng buwanang 600 sa mag-asawang nagkaroon ng pangalawang anak.
Tinukoy din ng independent demographer na si He Yafu ang “pagbaba ng bilang ng mga babaeng nasa edad na ng panganganak, na bumaba ng limang milyon bawat taon sa pagitan ng 2016 at 2021” bunga ng pagtanda ng populasyon.
Ayon pa kay Peng, “A declining and ageing population will be a real concern for China. It will have a profound impact on China’s economy from the present through to 2100.”
© Agence France-Presse