Sa unang pagkakataon sa loob ng walong taon, William at Kate bibisita sa US
Magtutungo si Prince William at asawa nitong si Kate sa Estados Unidos sa linggong ito, para sa una nilang pagbisita sa loob ng walong taon na siya rin nilang inaugural trip bilang prinsipe at prinsesa ng Wales.
Ang tatlong araw na pagbisita sa hilagang-silangang lungsod ng Boston ay matatapos sa Biyernes ng gabi, sa pamamagitan ng isang star-studded ceremony para sa Earthshot Prize initiative ni William upang harapin ang pagbabago ng klima o climate change.
Ang awards ceremony na inilarawan ng mga royal insider bilang “Superbowl moment” ni William, at nasa ikalawang taon na, ay nagbibigay ng gantimpala sa limang innovator ng £1 milyon bawat isa ($1.2 milyon).
Maraming bituin ang inaasahang makikita sa MGM Music Hall, kabilang ang singers na sina Billie Eilish at Annie Lennox, magkapatid na Chloe at Halle, at aktor na si Rami Malek.
Tulad noong nakaraang taon, tutulong din ang British naturalist at presenter ng telebisyon na si David Attenborough, kasama ang aktres na si Cate Blanchett, na nasa judging panel.
Ang nabanggit na biyahe ang pinaka-high-profile mula nang ang 40-anyos na si William ay naging tagapagmana ng trono noong Setyembre, makaraang humalili ang kaniyang ama sa namayapang si Queen Elizabeth II upang maging King Charles III.
Hindi nagtagal, ay ginawa ng bagong monarko ang kanyang panganay na anak na prinsipe ng Wales — ang tradisyunal na titulo ng mga tagapagmana na noon pang ika-13 siglo nagsimula.
Ang huling prinsesa naman ng Wales ay ang ina ni William, na si Diana.
Sa Boston, ay makikipagkita ang mag-asawa sa alkalde ng siyudad na si Michelle Wu, at magto-tour sa John F. Kennedy Presidential Library and Museum kasama ang anak ni dating US President John F. Kennedy na si Caroline Kennedy, ang kasalukuyang top envoy ng Washington sa Australia.
Ang iba pa nilang engagements ay kinabibilangan ng pakikipag-usap sa mga lokal na opisyal tungkol sa pagtaas ng lebel ng tubig sa karagatan sa siyudad ng North Atlantic coast.
Makikipagkita rin sila sa mga charity, na ang trabaho ay may kaugnayan sa disadvantaged young people at sa isang laboratoryo na ang espesyalidad ay green technologies.
Si Kate, na may tatlong anak kay William na may edad apat hanggang siyam at may interes sa early years education, ay bibisita sa Child Development Center ng Harvard University.
Wala namang inanunsiyong pagkikita sa pagitan ni Prince William at nakababata nitong kapatid na si Harry, na nakatira ngayon sa California kasama ang asawang si Meghan at dalawang anak.
Kabilang sa 15 Earthshot finalists ay isang Kenyan initiative para sa isang mas malinis na kalan, at isang Dutch invention na binuo para mahinto na ang maritime plastic pollution.
Ang mag-asawa ay unang bumisita sa Estados Unidos noong 2011, nang sila ay makipagkita sa Hollywood A-listers sa California.
Noong 2014, binisita nila ang New York at Washington, sa isang biyahe na kinabibilangan ng isang reception sa White House kasama ang noo’y pangulo na si Barack Obama at kaniyang deputy, na si Joe Biden.
© Agence France-Presse