Saan nga ba dapat itutok ang thermometer gun?
(updated: Aug.31.2020 13:10)
Dapat turuan ang mga kumukuha ng body temperature ng tamang paggamit ng thermometer gun upang maiwasan ang pagtatalo kapag may tumatangging magpatutok nito sa kanilang noo.
Sa panayam ng radyoagila,com kay Dr. Ted Herbosa, Special Adviser ng National Task Force Against Covid 19, hindi naman kailangang sa noo itutok ang thermometer gun upang makuha ang “core body temperature” ng isang tao.
“Actually kahit saang parte ng katawan na exposed, makukuha ang body temperature. Hindi naman kailangan sa forehead.
“Kapag ayaw ng taong magpabaril doon sa ulo niya ay pwede naman sa kamay, pwede naman sa braso, pwede naman sa siko. Pwede naman in any part of the body basta walang damit at exposed siya”.
Ang pahayag ni Herbosa ay may kaugnayan sa isang video na kumakalat sa social media na nagpapaliwanag ng umanoy masamang epekto ng thermometer gun kapag itinutok sa ulo ng tao bunga ng infrared radiation.
Pinabulaanan naman ito ng mga health experts sa iba’t-ibang mga bansa dahil wala namang infrared na inilalabas ang temperature gun, sa halip ay dini-detect lamang nito ang thermal radiation na inilalabas ng katawan ng tao, kaya’t nakukuha ang temperatura ng katawan.
Wala pa namang inilalabas na opisyal na advisory ang Inter Agency Task Force at ang Department of Health ukol sa nasabing isyu.
“Wala pa tayong local question niyan, sa ibang bansa kasi nagmula ang video na iyon and hindi pa siya naitanong sa IATF o sa mga eksperto nito.
“Kayo ang first official na nagtanong nito sa akin sa radyo so maganda siguro pakinggan din ng mga ibang opisyal yan.
“Baka dapat ang situation natin ay i-educate natin ang mga gumagamit ng temperature gun na pwede siya in any part of the body,” ayon pa kay Herbosa.
Ayon naman sa isang neurologist, mas tama ang nakukuhang temperatura kung sa noo itututok ang thermal gun, kaysa sa ibang parte ng katawan.
Basahin dito ang kanyang paliwanag.