Sacramento Kings hihiwalay na sa pansamantala nilang head coach na si Alvin Gentry
Inanunsiyo ng koponan ng Sacramento Kings, na hihiwalay na sila sa pansamantala nilang head coach na si Alvin Gentry.
Sa halip na kuning muli si Gentry, maghahanap ang team ng bagong head coach. Si Gentry ay naging pansamantalang coach noong Nobyembre matapos patalsikin ng franchise si Luke Walton.
Sa ilalim ni Gentry, ang Kings ay nakapagtala ng 30-52 record ngayong season at hindi nakapasok sa playoffs sa ika-16 nang sunod-sunod na taon.
Ayon kay Monte McNair, general manager ng Kings . . . “The entire Kings organization is grateful for the leadership of Alvin Gentry, who stepped up when he got the call midseason. We appreciate his leadership on and off the court.”
Batay sa report, ang paghahanap ng Sacramento para sa isang bagong head coach ay magiging malawak at isasama ang mga kandidato na gumawa ng kasaysayan, makaraang gawing postseason teams ang lottery teams.
Inaasahang ikukonsidera sa bakanteng posisyon ng head coach para sa Sacramento Kings sina Kenny Atkinson, Steve Clifford, Mark Jackson, Mike Brown at Milwaukee Bucks assistant coaches Charles Lee at Darvin Ham.
Ang sinumang mapipili ang magiging ikatlong head coach ng Kings sa mga nagdaang season, at ang magiging ika-anim na coach mula nang matanggal si Michael Malone noong 2014.
Pinag-uusapan naman ng Kings at ni Gentry, na may nalalabi pang isang taong kontrata ang posibilidad na bigyan siya ng isang front-office role, at inaasahang magkakaroon ng resolusyon ngayong linggo.