Sakripisyo ng mga sundalong Filipino, dapat gunitain tuwing Araw ng Kagitingan….Pilipinas dapat huwag paaalipin sa mga dayuhan
Matindi ang naging sakripisyo ng mga sundalong Filipino noong panahon ng pananakop ng mga Hapon.
Ito ang dapat gunitain ng mga Filipino tuwing sumasapit ang Araw ng Kagitingan.
Sa panayam ng programang Usapang Pagbabago ng DZEC Radyo Agila, sinabi ni Professor Vic Villan, Coordinator ng Philippine Study program ng University of the Philippines (UP) Diliman, sa pamamagitan ng mga sakripisyong ipinakita ng mga sundalong Filipino ay matuto ang bawat Filipino na huwag paalipin sa sinumang dayuhan.
Bagamat nakalulungkot batay na rin sa kasaysayan, mayroong mga nanindigan para sa bayan at mayroon din namang yumakap sa mga dayuhan.
Sinabi pa ni Prof. Villan na Presidente rin ng Adhika ng Pilipinas, hindi rin dapat tayo pumayag na gamitin ang mga makasaysayang tagpo sa Pilipinas para sa mga umano’y hidden agenda ng iba.
“Yung mga tumindig at yumakap sa mga dayuhan, Amerikano man yan o mga Hapon, yan yung hindi natin tutularan kapag ginugunita ang Araw ng Kagitingan. Sapagkat ang kagitingan na ating ginugunita ay kagitingan para sa mamamayan. At habang ginugunita natin ang Kagitingan, gugunitain natin ang mamamayan hindi yung mga bansang nagkukuwaring tumutulong sa atin para isulong ang kanilang mga interes”.