Sampung bahay pininsala ng bushfire sa Australia
Nakikipagbuno ang mga bumbero sa Australia sa isang runaway bushfire sa northern outskirts ng Perth, na naging sanhi upang magpatupad ng evacuations sa gitna na rin ng matinding heatwave doon.
Nabatid na sampung bahay na ang nawasak dahil sa bushfire.
Kaugnay nito ay nagpalabas na ng emergency warnings sa mga lugar sa bahaging hilaga ng western Australia capital, kung saan ang mga residente ay hinimok na lumikas na.
Mahigit sa 500 emergency personnel, na suportado ng aircraft, ang nagtutulong-tulong upang maapula ang mabilis na pagkalat ng apoy na pinalalakas pa ng mainit na hangin.
Bukod sa sampung bahay, sinira rin ng wildfire ang apat na sheds at ilang bilang ng mga sasakyan kabilang ang caravans, ayon kay Western Australia Deputy Premier Rita Saffioti.
Aniya, “The forecast today is unforgiving. It is crucial now that everyone involved continues to be alert as this bushfire emergency continues to unfold. Today is a day that everyone has to stick together.”
Sinabi ng mga opisyal, na nasa 130 katao kabilang ang mga bata na lumikas sa kanilang tahanan, ang pansamantalang nagkanlong sa isang evacuation centre.
Ayon naman kay Darren Klemm, head ng Department of Fire and Emergency Services ng estado, “Winds will create ‘significant fire weather’ during the day before easing in the next 24-48 hours. It’s going to take a number of days to bring this fire under control. Another 65 fires were burning across Western Australia.”