San Benito municipality sa Siargao, isinailalim sa 14 days quarantine
Isinailalim sa 14 days quarantine ang munisipalidad ng San Benito sa Siargao islands, simula ngayong Biyernes, September 24 hanggang October 7, 2021 upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19 virus.
Batay sa Executive Order (EO) No. 19 na ipinalabas ni Mayor Ma. Gina Sumando-Menil, sa loob ng 14 araw ay limitado ang magiging galaw ng mga residente o mga indibidwal na nais pumasok sa nasabing bayan.
Ayon sa alkalde, mayroong 9 na aktibong kaso ng Covid-19 sa kanilang lugar at kailangan nila ang agarang aksyon upang mapigilan ang pagkalat pa ng virus sa komunidad.
Sa ilalim ng EO, tanging mga working resident lamang ang papayagang makalabas ng bahay at mga lalabas na essential ang dahilan.
Inatasan din ng alkalde ang mga Barangay official na mag-isyu ng quarantine pass para sa bawat pamilya kung may kailangang bumili ng mga pangunahing pangangailangan.
Ang mga manggagawa naman sa pribado at pampublikong establisimyento ay kailangang humingi ng Worker’s Pass mula sa Office of the Mayor na magagamit para sa pagpasok at paglabas ng bayan.
May mga itinalaga ring checkpoint sa mga border ng bayan at ang curfew ay epektibo mula 8:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.