Sandra Bullock at Channing Tatum maganda ang chemistry sa pelikulang ‘The Lost City’
Balik big screen na ang hollywood actress na si Sandra Bullock kasama ang aktor na si Channing Tatum, sa adventure movie na “The Lost City.”
Sa direksiyon ni Adam Nee at Aaron Nee, mula sa isinulat na screenplay nina Oren Uziel, Dana Fox, Adam Nee at Aaron Nee, at istorya ni Seth Gordon, ang “The Lost City” ay nagkaroon na ng premier sa mga sinehan noong April 20.
Tungkol ito sa kuwento ng napakatalino, ngunit mahilig mag-isang manunulat na si Loretta Sage (Sandra) na ginugol ang career sa pagsusulat tungkol sa mga kakaibang lugar sa kanyang mga sikat na romance-adventure novel na nagtatampok sa guwapong cover model na si Alan (Channing Tatum), na inialay naman ang buhay sa pagiging hero character na si “Dash.”
Habang nasa tour at nagpo-promote ng kanyang bagong libro kasama si Alan, si Loretta ay dinukot ng isang sinto-sintong bilyonaryo (Daniel Radcliffe) na umaasang madadala siya ng manunulat sa kinaroroonan ng kayamanan sa sinaunang nawawalang siyudad na mula sa pinakahuli nitong istorya. Sa pagnanais namang patunayan na maaari siyang maging isang bayani sa totoong buhay at hindi lamang sa mga pahina ng libro ni Loretta, ay kumilos si Alan upang iligtas siya. Dahil nahaharap sa isang epikong pakikipagsapalaran sa kagubatan, kailangang magtulungan ni Alan at Loretta para makaligtas sa mga elemento at mahanap ang sinaunang kayamanan bago ito tuluyan nang mawala magpakailanman.
Sinabi ni Sandra na matagal na siyang naakit sa ideya na gumawa ng isang action-adventure film na may halong komedya. Pagkatapos siyang dukutin, susubukan ni Channing na iligtas siya na hahantong sa maaksiyong mga eksena na maraming katatawanan.
Ayon kay Sandra . . . “We knew we were ambitious in what we were trying to pull off… but we also knew we HAD to pull it off. This film wouldn’t work if all the tones in it didn’t intersect seamlessly. The central characters are a shut-in author and a model, neither of whom should be in a jungle or even out in nature. Jungles eat people like them. They should remain in a hermetically sealed building with air conditioning.”
Makikita sa pelikula ang pagbabago ng katawan ni Channing dahil “fit and toned” na siyang muli. Kamakailan ay tumaba siya pero balik na sa dati ang kaniyang katawan sa nasabing pelikula. Sinabi ni Sandra na siya ring producer ng pelikula, na si Channing ang perpektong aktor para gumanap sa papel ni Alan.
Aniya . . . “Channing is so self-deprecating; there’s nothing about him that’s ego driven, which works for the role of Alan because he is such an innocent. He is wide-eyed and sweet. Not many people can play that kind of a guileless, open person, but Channing had such comedic intuition about Alan.”
Nakakahon sa kaniyang papel bilang si Harry Potter, makikita sa The Lost City sa kakaibang papel si Daniel Radcliffe. Lubha siyang epektibo bilang kontrabida sa pelikulang ito.
Bahagi rin ng pelikula ang hollywood hunk na si Brad Pitt. Gayunman, maliit lamang ang kaniyang papel dito, kung saan iniligtas niya si Sandra sa mga dumukot sa kaniya. Kahit kaunting oras lamang ang exposure ni Pitt sa pelikula, asahan nang mabighani sa kaniyang “charm” at sa kaniyang actions scenes.