Sangkatutak na basura, nakuha ng MMDA sa pumping station sa Sta. Ana, Maynila
Isinisi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura ang naging malawakang pagbaha sa Metro Manila noong kasagsagan ng pananalasa ng mga pag-ulang dulot ng Habagat at bagyong Fabian.
Sinabi ni Abalos na hindi gumana ang ilan sa mga pumping station para mabawasan ang tubig baha dahil nabarahan ng basura.
Kabilang na rito ang pumping station sa Sta. Ana, Maynila.
Aabot aniya sa 67 pumping stations habang nasa 20 pa ang inaprubahan na popondohan ng World Bank.
Kasama na rito ang limang pumping station sa Roxas district sa Quezon City kung saan madalas na umaabot hanggang baywang ang tubig baha kapag malakas ang ulan.
Bukod sa pumping station sa Maynila, nilinis rin ng MMDA ang mga estero sa Taft Avenue sa Maynila.
Kasabay nito, umapila si Abalos sa Metro Mayors na ipatupad ng mga umiiral na ordinansa sa basura at patawan ng parusa gaya ng community service ang mga mahuhuling walang habas na nagtatapon ng mga basura lalo na sa mga estero at kanal.
Meanne Corvera