Sanofi, hindi palulusutin ng Malakanyang sa isyu ng Dengvaxia
Tiniyak ng Malakanyang na mananagot ang Sanofi Pasteur ang manufacturer ng kontrobersyal na dengvaxia anti-dengue vaccine.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi dapat gamitin ng Sanofi ang findings ng mga expert ng UP-PGH na hindi konklusibo na dahil sa dengvaxia ang ikinamatay ng mga batang nabakunahan ng anti-dengue vaccine.
Ayon kay Roque, maraming pananagutan at paglabag sa batas ang Sanofi kasama ang mga dating opisyal ng pamahalaan.
Inihayag ni Roque na nananaginip ang Sanofi kung inakala nilang makakalusot sa pananagutan dahil hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon.
Ibinasura rin ng Malakanyang ang kahilingan ng grupo ng mga doktor at dating kalihim ng Department of Health na itigil na ng Public Attorney’s office o PAO pathologist expert ang otopsiya sa bangkay ng mga batang pinaniniwalaang namatay dahil sa dengvaxia.
Iginiit i Roque na hintayin na lamang ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon bago maglabas ng anumang konklusyon.
Sa ngayon, nagmamatigas na ang Sanofi na hindi magrereimburse ng pera na ibinayad ng pamahalaan sa pagbili ng dengvaxia.
Ulat ni Vic Somintac
=== end ===