Sapilitang pagkuha ng Chinese coast guard sa huling isda ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough shoal naiparating na ng Pilipinas sa Chinese government- Malakanyang
Naipaabot na ng pamahalaang Pilipinas sa Chinese authorities ang ginagawang sapilitang pangunguha ng Chinese coast guard sa mga isdang huli ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough shoal.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque sa briefing sa Malakanyang na ipinaabot ng DFA sa Chinese Ambassador sa Manila ang insidente.
Ayon kay Roque hindi ipinagwawalang bahala ng Pilipinas ang insidente sa Scarborough shoal.
Inihayag ni Roque na hinihintay ng Pilipinas ang magiging tugon ng Chinese government sa reklamo ng mga mangingisdang pinoy laban sa Chinese coast guard sa Scarborough shoal.
Niliwanag ni Roque na malinaw ang kasunduan nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jin Ping noong magkaroon ng pag-uusap ang dalawang sa pamamagitan ng bilateral mechanism sa pagitan ng Pilipinas at China na hindi magkakaroon ng harrassment ang China sa mga mangingisdang pinoy sa Scarborough shoal.
Ulat ni Vic Somintac