Saudi Arabia at Thailand, magka-alyado nang muli
Muling nagkasundo ang Saudi Arabia at Thailand na ibalik ang kanilang diplomatic ties o muling maging magka-alyado, makaraan ang tatlong dekada ring paglamig ng kanilang relasyon, matapos nakawin ng Thai-born janitor na si Kriangkai Techamong ang $20 milyong halaga ng alahas sa Saudi Palace noong 1989.
Ang insidente ng pagnanakaw ang naging sanhi ng paglamig ng relasyon ng dalawang bansa na tinawag na “Blue Diamond Affair.”
Ang muling pagiging magka-alyado ng dalawang bansa ay naganap nang bumisita sa Riyadh si Thailand Prime Minister Prayut Chan-O-Cha.
Ayon sa joint statement ng Thai premier at Saudi Crown Prince na si Mohammed bin Salman . . . “The historic step is the result of long standing efforts at different levels to re-establish mutual confidence and friendly relations.”
Kaugnay nito ay magkakaroon na ulit ng biyahe ang Saudi Airlines sa Thailand sa Mayo.
Matatandaan na ilang ulit nang nagpadala ng mensahe ang Thailand sa Saudi upang ibalik na ang kanilang alyansa, nguni’t inakusahan ng Riyadh na pinagtakpan ng Thai police ang imbestigasyon at isa sa hinala ng Saudi na kinuha ng senior officer ng Thailand ang mga ninakaw na alahas.
Naisauli naman ng Thai police ang ilan sa mga alahas subali’t sinabi ng Saudi officials na peke ang mga iyon.
Ang itinuturing na “most precious gem” na kasama sa ninakaw ay isang hindi pangkaraniwang 50-carat blue diamond na hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung nasaan.
Nagpadala rin ng negosyante ang Riyadh noong 1990 sa Thailand upang mag-imbestiga, pero nawala ito sa Bangkok tatlong araw makaraang mabaril ang tatlong Saudi diplomats sa naturang siyudad.