Saudi nanawagan na patuloy na suportahan ang UN Palestinian refugee agency
Sinabi ng Saudi Arabia na dapat ituloy ng donors ang pagsuporta sa pangunahing UN aid agency para sa Palestinians, matapos akusahan ng Israel na ilan sa mga staff nito ay may papel sa pag-atake ng Hamas noong October 7.
Sa isang pahayag ng foreign ministry sa pamamagitan ng official Saudi Press Agency (SPA), “Supporters of UNRWA should carry out their role in supporting the humanitarian tasks toward Palestinian refugees.”
Ayon sa SPA, “This would alleviate the effects of the humanitarian crisis in the occupied Palestinian territories.”
Matatandaan na itinigil muna ng ilang pangunahing donors, kabilang ang Estados Unidos, France, Britain, Germany at Japan ang pagpopondo para sa UNRWA bilang tugon sa mga alegasyon ng Israel.
Nanindigan ang Israel na pipigilin nila ang trabaho ng ahensiya sa Gaza pagkatapos ng giyera.
Nakasaad sa pahayag ng Saudi, “review and investigation procedures related to Israel’s allegations should yield facts coupled with evidence.”
Binigyang-diin din sa pahayag, ang “human sacrifices made by UNRWA workers, including deaths and injuries, due to the indiscriminate Israeli shelling of relief centres in (the) Gaza Strip.”
Hindi kailanman opisyal na kinikilala ng Saudi Arabia ang Israel, ngunit kasama ito sa mga talakayan upang gawing normal ang mga relasyon bago ang pag-atake noong October 7, bilang bahagi ng three-way negotiations na kinasasangkutan ng Estados Unidos, na sumuporta sa Israel sa panahon ng digmaan.
Sapilitang natigil ang naturang mga negosasyon nang sumiklab ang giyera, at mula noon ay sinabi ng mga opisyal ng Saudi na posibleng walang maging kasunduan kung walang magaganap na tigil-putukan sa Gaza at imposible rin ang isang kasunduan para sa “irrevocable pathway” patungo sa paglikha ng isang Palestinian state.
Sa isang pahayag na inilabas ng UN noong 2022 nakasaad na ang Saudi Arabia ay isa sa pinakamalaking donors sa UNRWA, na ang kontribusyon ay halos isang bilyong dolyar sa mga nakaraang dekada.
Ang Gulf kingdom ay naglaan ng dagdag na $2 million sa ahensiya halos isang linggo pagkatapos ng Hamas attack.