SC binalaan ang mga nagbabanta sa buhay ng mga hukom sa social media
Nagbabala ang Korte Suprema laban sa sinuman na nagbabanta sa buhay ng mga huwes sa social media.
Ito ay matapos ang post sa Facebook ng dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Lorraine Badoy na nag-uugnay sa isang Manila regional trial court judge at sa asawa nito sa CPP- NPA.
Sa en banc session ng Supreme Court noong Martes, tinalakay ng mga mahistrado ang mga posibleng aksyon kay Badoy kaugnay sa mga pagbabanta nito kay Manila RTC Branch 19 Judge Marlo Magdoza- Malagar.
Ang nasabing judge ang nagbasura sa hiling ng DOJ na ideklarang teroristang grupo ang CPP – NPA dahil hindi raw terorismo ang rebelyon.
Ayon sa SC, ituturing na contempt o paglapastangan sa korte ang mga paguudyok ng karahasan sa social media na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga hukom at pamilya nito.
Tiniyak ng Korte Suprema na aaksyunan nito ang mga nasabing pagbabanta.
Moira Encina