SC binubuo na ang IRR ng Judiciary Marshals Law
Tiniyak ng Korte Suprema na maipatutupad nito ang Judiciary Marshals Act na naisabatas noong Mayo.
Sa hearing ng Senate Finance Committee sa 2023 proposed budget ng Hudikatura, sinabi ni Court Administrator Raul Villanueva na naglaan ng inisyal ng P50 milyong para sa Judiciary Marshals sa ilalim ng panukalang pondo ng Hudikatura sa 2023.
Ayon sa opisyal, binubuo na ng Supreme Court ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas.
Posible aniyang sa unang quarter ng susunod na taon ay makapagtalaga na ng Chief Marshal at ng ilan pang pangunahing tauhan ng Judiciary Marshal.
Sinabi ni Villanueva na totoong kailangan ng judiciary marshals dahil sa patuloy ang mga pagbabanta sa buhay lalo na sa mga hukom.
Ang judiciary marshals ay magiging nasa ilalim ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator.
Layon nito na mapigilan at maresolba ang mga krimen laban sa mahistrado, hukom, court employees at court properties.
Maipipreserba din ang independence ng hudikatura sa pamamagitan ng pagtiyak sa seguridad ng mga judges at court personnel.
Una nang nakipagpulong si Chief Justice Alexander Gesmundo sa ilang US Marshals Service officials para hingin ang tulong sa operationalization ng marshal service.
Moira Encina